---------------------------------------------------------------------------------------------
Mercy R. Otelo
OFW: Family Caregiver
Seoul, South Korea, 12 years
Ang tunay kong pangalan ay Pricilla Balbalosa Viadallo, pero sa passport ko ay Mercedita R. Otelo, in short Mercy. Isinilang kaming anim na magkakapatid sa Dalisay St. Bacood, Sta. Mesa M.M. Sa parte ng aking ina, ang lolo't lola ko ay purong Kastila. Samantalang lola ko sa ama ay Intsik at ang lolo ko ay Bicolano.
Mula pagkabata ay nakagisnan na naming magkakapatid na maraming paupahang bahay, mga kwarto at apartment ng aming mga magulang. Sa kahabaan ng kalye Dalisay, kami ang may pinakamalaking bahay Kastila noon, kumpleto sa gamit at kasangkapan at de kotse. Hatid at sundo rin ako ng School Bus ng Sta. Catalina College {Legarda} mula elementarya hanggang highschool. Dito ko nakasabayan sa school bus ang artistang magkapatid na sina Alona Alegre at Nina Aragon.
Nang mag teenager kaming magkakapatid at magpipinsan, ang hilig namin sa sayawan at discohan. Hanggang sa may magalok sa aming bakla na kumukuha ng mga extra sa pelikula. Naging extra kami sa pelikulang "Tubog sa Ginto" nina Jay Ilagan at Hilda Koronel. Naging dancer na rin kami noon sa "Winners Take All" noontime show nina Pugo at Patsy. Sa gabi naman ay sa Disco Rama, na naging Nite Owl ni Archie Lacson. Nang magdesisyon ang aming talent manager na si Baby de Guzman na idedestino kami sa Canada, hinde na ako sumama dahil 4rth yr college na ako noon at ibig kong makatapos ng aking pagaaral, tanging pinsan ko na lamang na si Perla Adea ang sumikat na artista.
Sa awa ng Maykapal ay natapos ko ang BBA {Bachelor of Business Administration} major Management sa University of Manila. Taong April 1972. Ikinasal din ako sa ganon ding taon Oct 1, kay Sammy Vidallo at ito’y isang marangyang kasalan. Malaki ang handaan sa aming bahay at sa La Moderna sa Escolta.
Subalit ang karangyaan ng aking mga magulang ay nagwakas, nang ang nakababata kong kapatid na lalaki ay napatay ng pamangkin ng ex Mayor ng Maynila, na kaeskwela nya at kaibigan ito. Niyaya nya ang aking kapatid na mag inuman kasama ng iba pang lalaki. Dahil paalis na patungong Saudi ang aking kapatid ibig ng umuwi ng bahay dahil takot siya na magagalit ang aming ama. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo at siya’y sinaksak at napatay. Lumaban ng kaso ang aking mga magulang subalit sila ay natalo dahil ang kanilang mga testigo ay di sumipot sa hearing dahil sa sobrang takot. Dahil din sa mga threats ng mga kalaban, minabuti na lamang ng aking mga magulang na lumayo sa lugar na iyon. Ibinenta nila lahat ang mga bahay, lupa, mga paupahan doon sa Bacood Sta Mesa. Bumili din sila ng bagong bahay malapit sa tinitirhan naming mag asawa sa Antipolo. Doon na sila namuhay ng tahimik. Dito nagpasya na rin ang aking mga kapatid na mag ibang bansa. Ang panganay ay nag Saudi, bunsong babae ay nag Japan at ang bunsong lalaki ay sa Las Vegas.
Ako naman ay pinalad na magkaroon ng 3 anak. Panganay ay si Sheryll Anne, pangalawa ay si Sheila Anna at ang bunso ay si Sherwin Andrew. Si Sheryll ay hanggang high school lamang pagkat 16 edad ay nagasawa na agad at sa ngayon may anak. Si Sheila simulang elementarya, high school, college ay honor student at nakatapos sa kursong Fine Arts major Interior Designing. Si Sherwin ay nakatapos lamang ng high school at ibig makarating ng Korea upang maghanap buhay, ngunit ako’y laging kapos upang matustusan ang pagpunta nya rito.
Mga bata pa sila ng sila ay naulila sa ama. Namatay ang aking asawa sa aksidente at mag-isa ako sa pagpapalaki sa kanila. Nagnegosyo ako ng motor and bicycle parts and supply. Napaunlad ko ito at nagkaroon ng branch. Maginhawa ang aming buhay noon, subalit sa isang idlap ito’y biglang naglaho.
Tumawag ang aking Ina at sinabing nakagat sya ng isa sa 4 niyang malalaking puting aso. Ako lamang sa mga anak niya ang makakapagalaga sa kanya dahil ang mga kapatid ko ay nasa ibang bansa. Tamang tama naman na mga ilang araw ng nasa akin ang pamangkin kong babae kasama ang 3 maliliit nyang anak pati asawa. Nag away away daw silang magkakapatid kaya pumunta muna sila sa akin. Sinabihan ko ang aking pamangking babae na siya na muna ang bahala sa tindahan ko at sa mga katulong at mga sales lady. Noon kasi 2 ang katulong ko, para sa maga anak ko 2 tutor, para sa tindahan ko 2 katulong, 4 na sales lady, 2 lalaki para mag assemble at repair at 2 saleslady para sa branch kayat 14 lahat ang aking mga empleyado.
Makalipas ang 3 araw na pagbabantay at pagaalaga ko sa aking ina ay wala na ang pamamaga ng kanyang kalahating katawan. Maya maya ay tumawag sa akin ang panganay kong anak na si Sheryll at tinatanong kung bakit magulong magulo at wala na ang mga paninda. Akala niya kami ay naglipat ng ibang tindahan. Nabigla kami sa kanyang sinabi kaya't kami'y dali daling sumugod doon. Subalit wala na talaga at ito'y nalinas at ninakaw na ng aking pamangkin at ng kanyang asawa. Nakausap ko ang mga tauhan ko at sinabi nila na binigyan sila ng aking pamangkin ng 2 araw na day off. Tinanong din namin ang aming mga kapit bahay na may mga tindahan din at sabi nila na 4 na malalaking 10 wheelers dump truck ang humakot sa aking paninda bandang ala 1:00 ng madaling araw, 8 armadong mga kalalakihan sa pamumuno ng asawa ng aking pamangkin ang humakot nito. Nagkagastos ang aking mga kapatid na 100 thousand sa mga pulis para masundan at hanapin sila subalit di na sila nakita. Nabenta ko ang aking malaking bahay at 3 sasakyan para bayaran ang aking mga bouncing check. Umupa kaming magiina ng bahay sa Vista Verde, Novaliches at ang nagbabayad ay kapatid kong nasa Japan. Ang kapatid kong lalaki na may Travel Agency ang siyang nagpapunta sa akin dito sa Korea.
Nagbilin ang aking Ina na hanapin ko daw ang Panginoon sapagkat nakalimot na daw ako sa Kanya, na kahit daw anong mahahalagang okasyon ay di ko naaalala dahil sa aking negosyo. Pati mga anak ko ay pinabayaan ko na sa mga katulong at di ko nahila para magsimba. Kaya't nangako ako sa aking Ina na maglilingkod ako sa Panginoon at mag hahanap buhay ng maayos para sa aking mga anak.
Noong nasa eroplano pa lamang ako, masyado na akong excited, kinukurot kurot ko pa ang akin balat na para baga akong nananaginip na makakarating bigla sa ibang bansa. Sinalubong ako ng kaibigan ng aking kapatid. Noong unang gabi ko rito ay masayang masaya ako; pangalawang gabi ay medyo nalulungkot na ako at laging naaalala ang malungkot na pangyayaring naganap sa aking buhay. Ikatlong gabi ko humahagolgol na ako sa kaiiyak dahil namimis ko na ang aking mga anak, ilang gabi na ako umiiyak ng todo at dito ko naisip ang habilin ng aking Ina na hanapin ko ang Panginoon.
Pagsapit ng Linggo ay nagpapasama ako sa simbahan at pumasok ng Church Volunteer bilang Choir. At dito rin sa simbahan ko nakilala ang dating presidente ng mga Church Volunteers na si Lydia Rabi. Siya rin ang nagpasok sa akin sa French family pagkat umuwi ng Pinas ang katulong nilang pinay para ayusin ang kanyang mga papeles para sa sponsorship. Masakit man isiping namamasukan akong isang katulong dahil noon ako ay maraming katulong. Ngayon ako ang katulong. Subalit kailangan kong tanggapin ang katotohanan. Iba na ang takbo ng buhay ko; kailangan ko magtiis at mag sakripisyo alang alang sa kinabukasan ng aking mga anak.
Ika 12 taon na akong naninilbihan bilang katulong ng iba ibang tao, iba ibang ugali, iba ibang karanasan pero tuloy ang buhay. Di ako sumusuko. Halos araw araw ay tinatawagan ko ang pamilya ko at kung minsan ay nakikita ko sila sa webcam. Masayang masaya ako kapag kausap ko sila lalo na ang mga nakakatuwa kong apo. Sa ngayon ay unti unti ko na nababawi ang mga nawala sa akin. Sa awa ng Maykapal, nakapagpatayo na rin kami ng bahay na may 5 palapag at tindahan sa buong garahe at harapan ng bahay. May 2 puwesto rin kami sa SM Fairview na Boutique & Accessories at ang kabila ay tattoo shop para sa manugang kong si Randy na Tattoo Artist. Mayroon na rin kaming brand new car-- Adventure latest model 2007.
Ang pangalawang anak kong si Sheila na kailanman ay di ako pinoroblema ay may sariling pagsisikap sa buhay at nakakatayo mag isa sa kahit saan siya makarating ay di mo aalahanin. Napakabait at napakatalino niya, napakarami niyang magagandang katangian na aking ipinagmamalaki. Sa ngayon ay 4 na taon na siya sa States at nakapangasawa ng Puerto Rican. Ang problema ko na lang ang aking bunso na si Sherwin. Di ko pa kayang papuntahin dito sa Korea. Ibig na ibig na niyang makapiling at makita ako at tuloy makatulong sa paghahanap buhay para sa amin. Lagi ko itong pinapanalangin ngunit di ako nawawalan ng pag asa.
“GOD IS HOPE”. Kaya't ang mapapayo ko sa mga katulad kong OFW: huwag makalimot tumawag at manalangin palagi sa Poong Maykapal at magpasalamat sa mga biyayang ating natatamo mula sa Kanya. Anytime, anywhere, anyplace nandyan lamang Siya. Nakasubaybay sa atin upang tayo'y gabayan at protektahan. Kumatok ka at ika’y pagbubuksan, tumawag ka at ika’y pagbibigyan. Huwag mawawalan ng pag asa, nandyan lamang Siya para sa atin........ GOD IS THE ANSWER......
_______
Submit your thoughts on this kwento by simply clicking on the word "comments" just below. Or, submit your own story and pictures to the eBarangay. Ask questions; share your thoughts, feelings and experiences. Click on "Magtanong sa Doktor", or "Magtanong sa Psychologist" or join the e-PinoyTalk forums. Stay in touch!
Hindi ka nagiisa... One. Filipino. Never Alone.
_______
Saturday, September 27, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)